bukas na liham.

June 22nd, 2005 | Uncategorized |

    minsan, kahit gaano ko piliting wag nang isipin ang mga pagkakamali ng ginawa ko sayo, pilit itong bumabalik. pilit itong ibinabalik ng mga pagkakataong hindi ko ma-kontrol. pilit itong ibinabalik ng mga sitwasyong hindi ko maiwasan. kaya ang sakit na hindi ko na gustong maramadaman ay patuloy lang na gumuguhit sa dibdib ko. nagpapasikip ng lalamunan ko.

    ayoko ng ganito. ayoko ng masaktan. ayoko ng umiyak.

    alam ko na kasalanan ko. alam ko na nagkamali ako. alam ng diyos (kung meron man) na araw araw ay pinagsisisihan ko yung pagkakamali na yun. alam ng mga malalapit sa akin kung gaano ako nahihirapan sa bawat pagkakataon na mabubuksan ang usapan tungkol sa nangyari sa atin. pinagsisisihan ko iyon. pinagsisisihan ko iyon ng parang wala ng ibang mahalaga sa buhay ko kundi ikaw. ipagpapalit ko ang kahit na ano, kahit na ano, sa isang pagkakataon na bawiin ko ang mga mali na ginawa ko sayo. ipagpapalit ko ang kahit na ano para lang mapagbigyan mo ako ng isa pang pagkakataon. pagkakataon na ipakita ko sa iyo na nagbago na ako. pagkakataon upang ibalik ang tiwala na nawala ko. pagkakataon na ayusin ang relasyon nating sinira ko.

    lahat gagawin ko. lahat bibitawan ko. lahat ipagpapalit ko.

    ang hinihingi ko lang ay isa pang pagkakataon. isang huling pagkakataon. dahil ito na ang huli. hindi na ako bibitaw.

    kailangan kita sa buhay ko. kailangan kita dahil ikaw na lang ang natitirang maganda sa buhay ko. kailangan kita dahil ikaw lang ang positibong nagtutulak sa akin sa araw araw. kailangan kita dahil ang kasiyahan ko ay nakabase na sa kasiyahan mo. kailangan kita dahil hindi ko na makita ang hinaharap na hindi ka kasama duon. kailangan kita dahil ang hirap gumising sa umaga nang hindi ikaw ang naiisip. kailangan kita dahil ang hirap matulog sa gabi dahil ikaw ang pinapangarap. kailangan kita dahil MAHAL kita. mahal na mahal. higit pa sa kahit kanino. higit pa sa sarili ko.

    ikaw lang ang gusto ko. ikaw lang ang kailangan ko. ikaw lang ang minamahal ko.

    at ang hinihiling ko lang ay isa pang pagkakataon. alam ko na mahal mo pa rin naman ako. alam ko na gusto mo rin na bigyan ang "tayo" ng isa pang pagkakataon. alam ko rin na natatakot ka. ngunit hindi ko maaalis ang takot na iyan kung hindi naman tayo magkasama. hindi ko mapapatunayan sa iyo na nagbago na ako kung malayo ako sa iyo. hindi ko maipapakita sa iyo ang mga gusto mo kung iba ang katabi mo. nandito ako. at handa akong gawin lahat.

    hihintayin ko ang sagot mo. hihintayin ko ang pagbabalik mo. kahit gaano katagal. nagpakatanga na ako sa iba, at maliit na bagay lang ang lahat ng iyon kumpara sa pagpapakatanga ko sa iyo. hihintayin kita. kahit gaano katagal. dahil tulad na rin na sinabi mo sa akin, alam mo na hindi na magbabago ang pagmamahal na nararamdaman ko para iyo, alam mo na ikaw lang ang mamahalin ko ng ganito.

    hihintayin kita.



2 Responses to “bukas na liham.”

  1. pare, pa-kiss naman jan…

    http://ejpadero.heyey.com/

  2. MWAAH!
    hehehe…

Leave a Reply