sa totoo lang, ayoko na sanang mag-post ng mga kadramahan ko sa buhay ko dito sa blogsite na ito. dati kse puro ganun na lang ang laman nito. puro mga kadramahan ko sa nangyari sa luvlyf ko na parang akala ko eh katapusan na ng buhay ko kung hindi kami magkabalikan ni bew… kaso mukhang sa hindi maiiwasang pagkakataon eh gagawin ko na naman ulit yun. magpo-post na naman ako ng kadramahan sa luvlyf ko. pasensya na.
pagkatapos ng 3 linggo na pag-aantay na sana man lang eh magreply sya sa mga email at text ko, hindi ko na kinaya at pinuntahan ko sya sa bahay nila kahit na hindi ko alam kung nandun o ano. gusto ko na rin lang kasing malaman sa kanya kung ano ba talga ang gusto nyang mangyari. gusto ko lang sanang malaman kung pwede ko pa ring kunin yung consolation prize ko.
well, buti na lang at nandun sya. ang masama, talagang AYAW na nyang magkaroon ng kahit na anong ugnayan sa akin. sawa na raw sya sa ugali at drama ko. at naistorbo ko pa ang tulog nya. saya noh?
kahit na "friendship" parang hindi na rin naman daw nya maibibigay. kasi ganun rin naman daw, aasta pa rin lang naman ako ng hindi "friend" sa kanya. medyo tama nga naman sya doon. pero kaya ko namang subukan eh, magagawan ko naman siguro ng paraan yun na hindi ako mag-aasta na parang kami kahit na nagwawala na ang puso ko dahil sa nararamdaman ko para sa kanya. ewan ko ha, pero pwede namang subukan, diba? sya na rin naman ang nagsabi dati na gusto pa rin naman nya akong maging parte ng buhay nya, kaso sumobra na raw lang talaga ako.
wala na raw syang maibibigay sa akin. sinayang ko na raw lahat ng chance na binigay nya. marahil tama sya. tanga lang talaga ako. gago lang talga ako. hindi paminsan-minsan, madalas yun.
ang masakit pa lalo nito, sinabi nya na hindi na lang talaga sya naniniwala sa mga sinasabi ko. nagsawa na siguro sa mga pangako ko na napako at sa mga pagsisinungaling ko. pero, honestly, lately naman eh tinutupad ko na lahat ng mga sinasabi ko. hindi lang sa kanya, pati na rin sa iba. ginagawan ko naman ng paraan para magbago, kaso talga sigurong huli na lang ang lahat.
siguro nga, ganun. huli na ang lahat.
gusto ko pang umasa. alam nyo naman, tanga lang talaga ako. gusto ko pa rin umasa. gusto ko pa ring isipin na balang araw eh magbabago ang ihip ng hangin, magbabago ang isip nya at mapagbibigyan nya ulit ako ng isa pang pagkakataon. gusto ko pa rin isipin na kahit papaano eh ibibigay nya sa akin yung consolation prize at magsisimula akong doon sa posisyon na yun. gusto ko pa rin umasa, kaso hindi ko alam kung saan ikakapit ang mga pagbabakasakali na ito. hindi ko alam kung saan kukuha ng tamang rason para mag-antay at umasa. kung pinagtutulakan nya na ako palabas ng pinto, ihaharang ko pa rin ba ang sarili ko?
iyon na lang ang pinuproblema ko ngayon. ayoko ng isipin yung mga coding na gagawin ko para sa unang account ng company namin, alam ko na kayang kong gawan ng paraan yun. ayokong isipin yung paghahanap ng trabaho dahil alam ko na makukuha ko eventually ang trabaho ng gusto ko. ang gusto kong isipin eh kung dapat ba talaga akong mag-antay pa sa isang pagkakataon na hindi ko alam kung kailan lilitaw o bumitaw na at tumahak na ng ibang landas.
alam ko, ang OA no? pasensya na ganun talga eh. OA talaga ako pagdating sa mga ganitong bagay. dahil kse kahit kailan, hindi ako naging magaling sa ganitong larangan. tangina, mag-coding na lang tayo magdamag sa VB6 o kaya mag-ayos ng mga PC buong araw, sisiguraduhin ko sa inyo na hindi ako susuko at hindi ako aalis ng talunan. pero sa mga usaping tungkol sa puso, tanga ako diyan. maniwala man kayo o sa hindi, yun ang totoo.
bew, hindi ko alam kung binabasa mo pa ang site na ito, pero gusto ko lang malaman mo (at sana makaabot sayo) na mahal pa rin kita. hindi pa rin nagbabago yun. pasensya na, tanga lang talaga ako, pero mahal talaga kita. sana kahit yun na lang eh paniwalaan mo.
teka, hindi ba’t pareho lang ang nagmamahal at yung tanga?
Leave a Reply