gusto ko lang sanang sabihin na salamat.
salamat sa lahat. sa mga oras na magkasama tayo, kahit na alam natin na tinataasan tayo ng kilay ng mga taong nakapalibot sa atin. sa mga oras na pinagtyatyagaan mo ang mga kwento ko sa buhay, kahit na karamihan sa mga iyon ay hindi naman talaga kagandahan. sa mga pagkakataon na binibigay mo para makasama ka, sabi ko naman sa iyo, ok na ako dun. sa pakikinig sa pagkanta ko, sana nga lang sa susunod, ikaw naman ang kumanta.
salamat din dun sa pagkakataon na sinamahan mo ako dun sa ospital. natuwa talaga ako, lalo na nung araw na nalaman ko kung ano ba talaga yung problema sa akin at pinabalik ako dun. kung wala ka nun, baka nabaliw na ako sa kakaisip sa kundisyon ko.
salamat. salamat sa iyo at sa pagkakataon na binigay mo para mabahagi ko ang buhay ko sa iyo at sa pagkakataon na binigay mo para ibahagi mo ang sa iyo. salamat ng marami.
sayang lang talaga at hindi ayon sa mga gusto natin ang mga pagkakataon. sabi ko nga, komplikado lang talaga ang kinalalagyan natin pareho. sabi mo nga, biktima lang talaga tayo ng pagkakataon. ganun talaga paminsan-minsan.
hindi ko gustong magpaalam. kahit na alam ko na kailangan na nating ihinto ang mga bagay na umiikot sa ating dalawa. hindi ko man gusto na lagyan natin ng pader ang gitna ng lahat ng ito, wala naman talaga tayong ibang mapipili na desisyon na mas tama pa dito. may mga bagay na mas importante sa kung ano ang gusto natin. tulad ng pagiging patas, tulad ng paninindigan, tulad ng respeto.
pero alam ko, na kahit na anong mangyari, nandiyan ka pa rin para sa akin. at nandito rin lang ako para sa iyo. patuloy lang nating tatahakin ang mga daan na pinili natin. magpapatuloy tayo mula sa mga desisyon na gagawin natin. at sana, kahit na malabo ang binibigay ng pagkakataon, magkita pa rin tayo sa mga paglalakbay natin.
Leave a Reply